Monday, May 11, 2009

Panimula sa “Mag-inang Mahirap”


Noong hindi pa kami marunong bumasa ng mga kapatid ko, binabasahan kami ng Nanay namin. Pagkakain ng tanghalian, kailangang matulog ang mga bata para lumaki. At para makatulog kaming mga bata, binabasahan kami ni Nanay.


Sa dami ng mga kwentong binasa ni Nanay sa amin, ang Noli Me Tangere ni Jose Rizal ang tandang-tanda ko. Ang ibang kwento’y maiikli, pero ang Noli ay laging may karugtong. Nakalarawan iyon, parang komiks.


Pagkatapos ko ng hayskul, puro literaturang kanluranin ang binasa ko dahil iyon ang nasa kurikulum at dahil baduy palang magbasa ng mga nobelang Tagalog, lalo na kung galing sa Liwayway, Bulaklak, at Tagumpay.


Taong 1987. Kailangang magsulat ako ng disertasyon para maging isang ganap na Ph.D. Isang kaibigan at kaklase sa Paaralang Gradwado ng UST (University of Santo Tomas), si Dr. Venancio Mendiola, ang nagmungkahing basahin ko ang Nena at Neneng ni Valeriano Hernandez at Peña.


“Sino kamo?” tanong ko.


“Si Valeriano Hernandez at Peña,” ulit ni Dr. Mendiola.


“Sino siya?” tanong ko uli.


“Siya ang Ama ng Nobelang Tagalog,” sagot ni Dr. Mendiola.


“E bakit hindi ko siya kilala?” tanong ko na naman.


Bilang sagot, pinahiram ako ni Dr. Mendiola ng isang kopya ng Nena at Neneng.


Nang gabing iyon, nilamay kong basahin ang Nena at Neneng ni Valeriano Hernandez at Peña. Para akong isang ulilang natagpuan ang kanyang mga magulang na buhay pala. Para akong isang bingi at pipi na biglang nakarinig at nakapagsalita.


Nang dumating ang umaga, humahangos akong nagpunta sa Pambansang Aklatan para maghanap ng mga datos tungkol kay Valeriano Hernandez at Peña. Nalaman kong may naisulat na palang tesis tungkol sa kanyang Nena at Neneng. Ito’y ang tesis ni Naomi Z. Ortiz na sinulat noong 1954.


Nalaman ko ring may iba pang nobela si Valeriano Hernandez at Peña at hinanap ko ang mga iyon. Nang mahawakan ko ang Kasaysayan ng Mag-inang Mahirap sa unang pagkakataon, binasa ko iyon nang isang upuan lamang – mga dalawang oras.


Hindi kasi pwedeng iuwi ang kopyang naninilaw na at nagkakalaglagan na ang mga pahina. Higit sa lahat, hindi ko binitiwan ang Mag-inang Mahirap dahil biglang bumalik sa kamalayan ko ang Noling binasa sa akin ng Nanay ko.


Manghang-mangha ako dahil sa Mag-inang Mahirap, isang ganap na katotohanan ang rebolusyong pangarap sa Noli. Gusto kong bigyang-diin na sa Mag-inang Mahirap, ang rebolusyon ay hindi kathang-isip. Iyon ay isang dakilang pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas. At si Jose Rizal, ang sumulat ng Noli, ay itinanghal na martir ng rebolusyong iyon.


Binaril si Rizal sa Bagumbayan, nag-alab ang rebolusyon, at nang nananalo na ang mga Filipino, nangako ng mga reporma ang mga Kastila sa pamamagitan ng Kasunduang Biak-na-Bato. Dito natapos ang rebolusyon sa kasaysayan ng Mag-inang Mahirap. Subalit walang nagbago sa lipunan. Mahirap pa rin ang mahirap. Api pa rin ang api.


Kaya siguro napakalakas ng dating sa akin ng Mag-inang Mahirap ni Valeriano Hernandez at Peña ay dahil parang karugtong ito ng Noli ng aking kamusmusan. Bilang isang paslit, tinanggap ko nang buong-buo na mahirap ang Pilipinas dahil sa mga dayuhang mapang-api. At kailangang magrebolusyon para maitama ang mali.


Nang matapos kong basahin ang Mag-inang Mahirap sa unang pagkakataon, sumambulat ang aking musmos na paniniwala. Wala namang dayuhang mapang-api sa Mag-inang Mahirap. Pare-parehong Filipino ang inaapi at nang-aapi. Naganap nga ang rebolusyon pero hindi pa rin naitama ang mali.


Sa madaling salita, nakamit ko ang aking Ph.D. sa Literatura noong 1991 mula sa Unibersidad ng Santo Tomas. Ang aking disertasyon?


"An Interpretation and Translation of Valeriano Hernandez-Peña’s Mag-inang Mahirap."


Mula sa malalim na Tagalog, isinalin ko sa Inggles ang nobelang unang inilathala noong 1905 sapagkat maraming kabataang Filipino ang hindi na marunong bumasa ng malalim na Tagalog. Isa pa, naisip kong maraming Filipino sa iba't ibang panig ng mundo ang talagang hindi na marunong ng kahit konting Tagalog.


Subalit Filipino pa rin sila sa puso at diwa. Gustung-gusto nilang maunawaan ang kanilang pinagmulan at kasaysayan.


Mahigit isang siglo (100 taon) na ang lumipas mula nang unang ilathala ang Mag-inang Mahirap subalit makabuluhan at mahalaga pa rin ito sa ating kasalukuyang panahon. Bayaan ninyong ibahagi ko sa inyong lahat ang isang talata mula sa panimula ng aking disertasyon:


Aside from its power to transport the reader to its time and place, … this novel seems as if it has been written today. Perhaps, it is because the same socio-economic and political problems of the past are the same socio-economic and political problems of the present…


No comments: