Si Aling Munda, isang matandang magdaramo, at si Pilar, isang tinderang dumadayo sa iba’t ibang bayan, ang tinaguriang ‘Mag-inang Mahirap’ sa nayon ng B…
Nagkasakit si Aling Munda kaya’t napilitang tumigil sa pagtitinda si Pilar. Ubos na ang kaunting ipon ni Pilar, ngunit may sakit pa rin si Aling Munda. Isang gabing humihingi ng itlog ng manok ang ina, lakas-loob na lumabas ng bahay si Pilar upang makiusap sa sinumang kapitbahay.
Subalit walang nagbigay ng itlog kay Pilar at sa halip, pinagtiyap ng malas na siya’y makita ng mga tulisan. Tinangay si Pilar ng mga tulisan at ipiniit siya sa gubat.
Sumabog sa buong nayon ang malungkot na balita tungkol sa pagtangay ng mga tulisan kay Pilar. Nagpasya ang isang binata, ang kasintahan ni Pilar na si Alberto, na sundan sa gubat si Pilar at iligtas ito sa kamay ng mga tulisan.
Sa pagtatanggol ng kanyang puri, napatay ni Pilar si Ulupong, ang pinunong-tulisan. Si Limbas, ang pumalit kay Ulupong bilang puno, ay may magandang kalooban. Ipinasya niyang walang dahilan upang parusahan si Pilar o kaya’y piitin sa gubat. Maaari nang umuwi si Pilar, kasabay ang binatang naghahanap sa kanya, ayon sa sulat ni Halimaw, isa ring pinunong-tulisan. Ang binatang ito’y walang iba kundi si Alberto na naging kaibigan si Halimaw.
Samantalang inihahatid sina Pilar at Alberto nina Limbas at Halimaw papunta sa kabayanan, silang apat ay nahuli ng mga kwadrilyero. Sa madaling salita, pati sina Pilar at Alberto ay kinasuhan bilang mga tulisan at ikinulong sa piitang-panlalawigan.
Nakalaya si Pilar dahil sa suhol ni Juan, isang mayamang sugarol na may masamang gusto kay Pilar. Naiwan sa bilangguan sina Alberto, Limbas, at Halimaw.
Sa kasamaang-palad, muling nakulong si Pilar sa piitang-bayan. Subalit dahil dito’y nakilala siya ni Kapitan Manuel Marasigan, ang alkalde ng bayan. Nang malaman ni Kapitan Manuel na si Pilar at ang kanyang ina ang tinaguriang ‘Mag-inang Mahirap’, pinalaya niya si Pilar at ipinahatid sa kanyang karromata, kasama ang dalawang batang naging dahilan ng pagkakulong nito. (Ang dalawang batang ito ay sina Ana at Elisa, mga anak ni Limbas.)
Dito unti-unting nabunyag ang lihim ng ‘Mag-inang Mahirap’:
Si Martina Baluyot, ang nasirang asawa ni Kapitan Manuel, ay pinsang buo ni Aling Munda. Si Kapitan Martin, ang ama ni Martina, ay tunay na kapatid ni Mamerto, ang ama ni Aling Munda. Nakatapos ng pag-aaral si Martin, subalit si Mamerto’y nagbulakbol lamang.
Walang naiwang testamento ang mga magulang nina Martin at Mamerto. Dahil dito’y kinamkam ni Martin ang mana ni Mamerto. Madaling nagawa ito ni Martin sapagkat siya’y nag-aral at si Mamerto’y hindi.
Ang kasakiman ni Martin ay hindi dito natapos. Kinamkam din niya pati ang lupang sariling pundar ni Mamerto. Ito sana ang mana ni Aling Munda kaya’t ito’y hinabol niya sa husgado. Subalit natalo si Aling Munda sa usapin at namatay pa ang kanyang asawa. Noo’y dalawang taon pa lamang si Pilar.
Upang makapagtawid-gutom silang mag-ina, si Aling Munda’y nandamo sa bukid, nangapa ng isda sa ilog, at nag-araw sa pagtatanim at paggapas ng palay. Mismong si Kapitan Martin ang nagbigay sa mag-ina ng bansag na ‘Mag-inang Mahirap.’
Ngayo’y dalaga na si Pilar at patay na si Kapitan Martin at si Martinang asawa ni Kapitan Manuel. Nakasilip si Aling Munda ng pag-asang makaahon sa kahirapan dahil sa pakitang-tao ni Kapitan Manuel. Subalit nauwi sa wala ang lahat. Pinalabas ni Kapitan Manuel na nakasangla sa napakataas na halaga ang mga lupang mana ni Aling Munda.
Samantala’y sumiklab ang rebolusyon ng mga katipunero laban sa mga Kastila. Tumakas mula sa bilangguan sina Alberto, Limbas, at Halimaw at sumapi sa Katipunan. Si Alberto’y natanyag bilang puno ng isang maliit na pulutong ng mga katipunero.
Matapos lagdaan ang Kasunduang Biak-na-Bato, mistulang bayaning nagbalik si Alberto sa nayon ng B… upang makipag-isang dibdib kay Pilar. Subalit si Alberto’y inagaw ng isang Julia. Dala ng pagsisisi, nagpakamatay si Alberto at si Julia nama’y namatay sa panganganak.
Isinumpa ni Pilar na siya’y miminsang umibig. Subalit pinakasuyo ni Juan si Aling Munda. Bilang pagtanaw ng utang na loob dito (hinango ni Juan si Pilar sa bilangguan) at upang mahango silang mag-ina sa kahirapan, hinikayat ni Aling Munda si Pilar na pakasal kay Juan.
Pumayag si Pilar sapagkat utang niya ang kanyang buhay sa kanyang ina. Gasino nang magpakasal sa isang lalaking hindi niya minamahal?
Idinaos ang kasalan. Lumulutang sa kaligayahan si Juan, subalit tumatangis ang puso ni Pilar. Sa gitna ng masayang salusalo matapos ang kasal, inatake sa puso si Pilar. Natapos ang kasaysayan sa pagtangis ni Aling Munda sa bangkay ni Pilar.
11 comments:
Nakakalungkot naman pala ang nangyari sa Mag-inang Mahirap. Isa itong trahedya.
Ginoong Nutty Boy,
Salamat sa iyong pagbisita at komento. Sana'y mabasa mo at mapag-aralan and buong nobela ng Mag-inang Mahirap.
baka mayroon po kayong buod ng pahimakas ng isang ina
Saan po ba pwedeng mabasa ito ng buo?
kailangan ko kasi para sa Subject ko na Filipino.
Anomg uri po ito ng nobela at bakit? Salamat po��
Pwede to pang assignment hahahaha
Lalisa manoban swalla i l u
Nobela???????
Hahhahahahha
Ano po ang paksa ng kwento ?
HAHAHATDOG!!!!!!!LOYALTY BOBO
Ano kaya ang nilalaman ng teksto okaisipan nais ipabatid ng sumulat
Post a Comment